Locsin nag-sorry na matapos ang binitawang ‘maaanghang’ na salita vs. China – Palasyo

Imahe mula sa SCMP
  • Humingi na ng paumanhin si Sec. Locsin sa Chinese ambassador
  • Kasunod ito ng kaniyang maaanghang na pahayag sa Twitter nitong Lunes
  • Nilinaw rin ng Palasyo na ang pahayag ni Locsin ay hindi polisiya mismo ng Pilipinas

Humingi na ng paumanhin si Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin Jr. matapos ang mga binitawang mabibigat na salita kontra China sa kaniyang tweet nitong Lunes.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, personal na nag-sorry si Locsin sa Chinese ambassador dahil sa kaniyang ‘pagmumura’ sa Twitter para kondenahin ang pananatili ng ilang sasakyang pandagat ng Tsino sa teritoryong pag-aari ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Screenshot mula sa Facebook Live ni Sec. Roque

“Personal po siyang nag-apologize sa Chinese ambassador. Sa diplomacy, walang lugar ang pagmumura,” ani Roque.

Kusang-loob umano itong ginawa ni Locsin at walang pressure na nagmumula kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Wika pa ni Roque, sa lahat ng kasapi sa Gabinete, ang presidente lamang ang puwedeng magmura at walang maaaring gumaya sa kaniya.

Nilinaw din ng Palasyo na ang pahayag ng kalihim ng DFA ay personal nitong opinyon at hindi polisiya mismo ng Pilipinas sa usapin ng West Philippine Sea.

Imahe mula sa DFA

“Sinabi ko na ang binitawang maanghang na salita ni Secretary Locsin ay kabahagi ng kanyang karapatan ng malayang pananalita. Well, tama po iyon kasi ang sinabi po ni Secretary Locsin ay kanyang personal na pananaw. Nililinaw ko po, upon express orders of the President na hindi po ito ang polisiya ng Pilipinas,” paliwanag ng tagapagsalita ng Palasyo.

Sa kaniyang tweet, inilabas ni Locsin ang kaniyang pagkadismaya sa China na tinawag pa niyang ‘kaibigan’.

“What are you doing to our friendship? You. Not us. We’re trying. You. You’re like an ugly oaf forcing your attentions on a handsome guy who wants to be a friend,” tweet ng kalihim.

Screenshot mula sa Twitter

Ang kaniyang pahayag ay kasunod ng napaulat na diumano’y pangha-harass na ginawa ng Chinese Coast Guard sa mga barko ng Philippine Coast Guard sa Bajo de Masinloc kamakailan lamang.

Dahil sa insidente, muling nagsampa ng diplomatic protest ang Manila kontra Beijing.

Samantala, siniguro naman ng Palasyo na anumang hidwaan sa pagitan ng Pilipinas at China sa WPS ay hindi ito makaaapekto sa bilateral relation ng dalawang bansa na lalo pang pinalalim umano ng ‘kooperasyon sa pandemic response, vaccine cooperation at post-pandemic recovery’.

Loading…