Lola na naghahabi ng mga basket sa Misamis Occidental kinabiliban, dinagsa ng tulong

  • Hinangaan ang isang lola sa Oroquieta City, Misamis Occidental
  • Gumagawa siya ng baskets na mag-isa lamang niyang mano-manong hinahabi
  • Umulan naman ng tulong para sa kaniya, kabilang na ang mayor ng Oroquieta City

Isang lolang na gumagawa ng woven baskets sa Oroquieta City sa Misamis Occidental ang kinabiliban ng mga netizens, dahil bukod sa talaga namang magaganda at matitibay ang kaniyang mga likha, buong tapang umano siyang nagtutungo sa gubat upang manguha ng mga materyales na gagamitin niya.

Ayon sa Facebook post ng kaniyang kapitbahay na si Claire Borres Adaza, isang online English teacher, labis siyang namamangha kay Lola Narcissa dahil sa pagsisikap at pagsisipag nito, kaya nanawagan siya sa publiko na sana raw ay suportahan ang matanda.

Imahe mula sa Facebook account ni Claire Borres Adaza

“Helping out Nanay Narcissa, sell her woven baskets. She lives in the neighborhood ng parents-in-law ko. Siya lang po mag-isa gumagawa ng mga ito at kumukuha ng mga vines sa gubat. I am really fascinated by her skills! PM me if you want to order. Let’s help out the elders who are working hard to make a living,” aniya.

Sa follow-up FB post ng guro, marami na raw ang nagpadala ng pribadong mensahe sa kaniyang Facebook account upang magbigay ng tulong-pinansyal kay Lola Narcissa. Hindi makapaniwala ang guro na magiging tulay siya upang sumikat at bumalong ng tulong para sa matandang masipag.

“Oh my, amazed na amazed ako sa daming nag-message to buy Nanay Narcissa’s woven baskets! Maraming salamat po for your interest to help her. I’m trying my best to reply all your messages. Sana po willing to wait lang po tayo sa mga gusto natin bilhin from Nanay kasi siya lang po mag-isa gumagawa. Maraming salamat po sa lahat,” mensahe niya para sa lahat ng mga taong nagnanais na matulungan ang matanda.

Imahe mula sa Facebook account ni Claire Borres Adaza

Sa huling update ng guro, nakarating na umano sa mayor ng Oroquieta City na si Mayor Lemuel Acosta ang tungkol kay Lola Narcissa. Inalok umano ng mayor ang matanda na magturo ng ganitong kasanayan sa iba, upang maging kabuhayan.

“Binisita siya ng Mayor ng Oroquieta City dahil sa pag-viral ni Nanay sa social media. According sa post ni Mayor Acosta, inofferan po siya ng trabaho na magturo po sa paggawa ng mga woven baskets. Ito po ay lubos na ikinatuwa natin dahil may nagbukas po na opportunity kay Nanay na magkaroon siya ng source of livelihood na pangmatagalan po,” saad ni Adaza.

Bukod sa paggawa ng mga woven baskets, siya rin ay gumagawa ng mga uling. Nang puntahan daw siya ni Mayor Acosta upang ipamalita ang surpresa ay naabutan pa siyang may mga uling sa mukha at katawan.

Imahe mula sa Facebook account ni Claire Borres Adaza

Pagbati po Lola Narcissa! Sana sa pamamagitan nito ay dumami pa ang mga matuturuan ninyo ng paghahabi ng woven basket, upang makatulong din sa iba! Salamat din kay Ma’am Claire gayundin din kay Mayor Acosta sa pagtulong sa kaniya. Pagpalain po kayo ng Poong Maykapal!

Loading…