Mga ‘hugot’ sa isang community almusal pantry kinaaliwan

  • Kinaaliwan ang isang community pantry sa Maynila
  • Tinawag itong ‘community almusal pantry’ dahil layon nitong mamahagi ng mga libreng almusal gaya ng sopas, taho, pansit, at lugaw
  • Subalit higit na kapansin-pansin ito dahil sa mga hugot lines na iniugnay dito

Hindi na nga paaawat ang pagsulpot ng iba’t ibang community pantries na may iba’t ibang bersyon na rin. Ito na ang mas mabilis na paraan ng pagpapaabot ng tulong at pagmamalasakit sa kapwa ngayong pandemya. Iba-iba man ang mga bersyon, anyo, at pakulo, ang mahalaga rito ay buhay na buhay pa rin ang diwa ng bayanihan.

Hindi rin humihinto ang mga community pantry organizers sa pag-iisip ng mga malikhaing pakulo kung paano makapupukaw ng pansin ang kanilang pantry. Kagaya na lamang ng community pantry na inilunsad ni Christine Mae Norombaba at mga kaibigan mula sa R. Papa sa lungsod ng Maynila.

Imahe mula sa Facebook post ni Christine Mae Norombaba

Makikita sa kaniyang Facebook post na nagpa-almusal sila sa kanilang lugar, gaya ng sopas, taho, pansit at taho. Tinawag nila itong community almusal pantry, na maaari din naman daw tawaging ‘hugot pantry’ dahil sa mga ikinabit nilang hugot lines sa mga pagkaing kanilang inihain.

Halimbawa, ang sopas daw ay para sa mga taong iniwan ng ‘so fast’ o mabilisan. Ang taho naman daw ay para sa pag-ibig niyang naglaho. Ang pansit naman daw ay para sa mga ipinagpalit sa pangit, at ang lugaw ay para sa mga walang manliligaw.

“Para sa mga riders, drivers, nawalan ng trabaho, hindi nakapagtrabaho dahil nagkasakit, at walang ayuda. Para din sa mga single. Mga malungkot. Mga niloko at iniwan. Puwede na rin sa mga chismosang kapitbahay,” mababasa sa kanilang mga paskil.

Ginamit naman nila ang tagline na “Kumain nang tama sa umaga, para sa sakit may laban ka!”

Imahe mula sa Facebook post ni Christine Mae Norombaba

Tuwang-tuwa naman ang mga netizens sa mga pakulong ito, subalit mas nakatutuwa pa rin ang konsepto ng pagpapakain nang almusal sa mga tao, dahil ang almusal ay isa sa mahahalagang meal ng tao sa isang araw.

Loading…