Pacquiao ‘nakukulangan’ sa aksiyon ni Pangulong Duterte sa West PH Sea

Imahe mula sa UNTV News
  • Nakukulangan umano si Sen. Manny Pacquiao sa naging aksiyon ng Pangulo sa WPS
  • Taliwas daw ito sa pangako noon ni Duterte nang nangangampanya pa lamang
  • Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagsalita si Pacquaio nang salungat sa administrasyon

Inamin ni Senador Manny Pacquiao na ‘nakukulangan’ siya sa naging hakbang ni Pangulong Rodrigo Duterte para harapin ang patuloy na hidwaan ng Pilipinas at China sa usapin ng West Philippine Sea.

Sa isang online forum nitong Lunes, sinabi ni Pacquiao na sana raw ay tinupad ng presidente ang kaniyang mga ipinangako nang nangangampanya pa lamang ito noong eleksiyon.

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Manny Pacquiao

“Sa akin, nakukulangan ako, nakukulangan ako kumpara doon sa bago pa siya tumakbo, nag-eeleksyon pa lang. Dapat ipatuloy niya yun para magkaroon din naman tayo ng respeto,” bahagi ng senador.

Kung matatandaan, nangako noon si Pangulong Duterte na sasakay siya ng jetski at pupunta sa WPS bitbit ang watawat ng Pilipinas para iwagayway ito at ideklarang pag-aari natin ang mga isla sa nasabing karagatan.

Imahe mula s IB Times

“Narinig natin bago mag-election, sa pangangampanya, nung sinabi niya na mag-jet ski siya, dala ‘yung watawat ng Pilipinas doon, e siyempre, kahit ako sa puso ko, ito na yung iboboto ko dahil ito ‘yung dapat na presidente, kailangan natin, na pinaglalaban ‘yung bansa natin,” patuloy pa ng mambabatas.

Ayon pa sa senador, ‘nakapanghihina’ na ang nangyayari ngayon kumpara noong simula pa lamang at nangyayari na nga ang mga hindi magagandang insidente sa WPS.

Screenshot mula sa RTVM video

Ang tinutukoy marahil ng mambabatas ay ang paghimpil ng mahigit 200 barko ng Tsina sa Julian Felipe Reed noong Marso, ang paghabol ng Chinese Coast Guard sa crew ng ABS-CBN News team, at ang pinakahuli ay ang diumano’y pangha-harass ng mga Tsino sa nagpapatrolyang Philippine Coast Guard sa Bajo de Masinloc kamakailan lamang.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagsalita ang senador para salungatin ang naging hakbang ng Pangulo.

Si Pacquiao ay kilalang taga-suporta ng administrasyong Duterte at kapartido pa ng Pangulo sapagkata pareho silang kasapi ng PDP-Laban na pinamumunuan ngayon ng senador bilang party president.

Loading…