Mula sa lumang plastic bottles? Yes!
Ipinagmalaki ni Miss Universe 2018 Catriona Gray na gawa sa lumang plastic bottles ang isinuot niyang dress sa launch ng Filipino edition ng isang international magazine.
Inilahad ni Catriona sa kaniyang Instagram post na ang inirampa niyang damit sa V0GUE Philippines Gala event ay gawa sa recycled na plastik na bote.
“Sustainability but make it V0GUE. What a better way to celebrate the launch of Vogue Philippines Maiden issue and first-ever Vogue Gala than embodying one of Vogue’s values,” bungad ni Catriona sa trending post na may halos 200,000 likes na.
Sinabi rin ni Catriona na ang kanyang sustainable outfit ay likha ni Jaggy Glarino. Ang mga lumang polyurethane plastic bottles ay ginawang disenyo ng gown bilang rose embellishments. Pinalamutian nila ang puting dress ng Bulgari jewels, mula sa isang luxury jewelry brand.
“This beautiful creation by @maisonglarino @jaggyglarino is made using recycled polyurethane plastic bottles. Crafted exquisitely into roses. Punctuated with jewels by Bulgari,” pagpapatuloy ng beauty queen sa kanyang social media account na itinanghal din bilang Miss World Philippines 2016.
Sa unang tingin, hindi agad mapapansin na hindi lang gawa sa mamahaling materyales ang suot ni Catriona na itinuturing na fashion icon sa mundo. Sa katunayan, maraming netizens ang nagulat at namangha.
“So beautiful! Bravo on the outfit! Never would have thought it was from recycled bottles,” lahad ng isang follower ni Catriona.
Saad pa ng isang netizen, magandang halimbawa raw si Catriona sa mga kapuwa beauty queen at nararapat na raw umpisahan ang paggamit ng mga gown at iba pang damit sa mga kompetisyon na gawa sa recyclable materials.
Dumalo si Catriona sa nasabing event kasama ang kanyang nobyo na si Sam Milby at iba pang mga kapuwa beauty pageant titlists na sina Pia Wurtzbach, Megan Young, at Kylie Versoza.