Trending as usual ang bagong TikTok dance cover ng aktor na si Joshua Garcia.
Pang-international na ang level ng TikTok videos ng Darna leading man na si Joshua Garcia matapos mapansin ng Queen of Rap at former American Idol judge na si Nicki Minaj.
Sa bagong upload ni Joshua sa kanyang TikTok account, ipinamalas ng dating Pinoy Big Brother housemate ang husay at charm niya sa dance cover ng “Super Freaky Girl” ni Nicki.
Nag-iwan ng isang ‘heart-eyes’ emoji ang international rap icon sa comment section ng video ni Joshua. Ni-like at ginawa namang pinned comment ng aktor ang komento ni Nicki bilang pag-appreciate dito.
Dumagsa rin ang fans ni Joshua sa nasabing video at nakatanggap din ng daan-daang replies ang komento ni Nicki sa video ng Kapamilya actor.
Ayon sa fans ni Joshua, iba na raw talaga ang kalibre ng aktor bilang isang social media personality. Kung noon daw ay sa Pilipinas lamang nagva-viral ang kaniyang TikTok videos, ngayon ay napapansin na siya ng international star na kasing sikat ni Nicki.
Proud rin ang mga supporter ni Joshua dahil hindi raw nagkomento si Nicki sa ibang gumawa ng dance cover ng kanyang bagong single, kahit daw ang top 1 TikTok user ng kantang “Super Freaky Girl” ay hindi naman pinansin ni Nicki.
Sumikat si Nicki Minaj dahil sa kanyang mga awiting “Superbass,” “2012,” “Starships,” at “Bang bang.”
Hindi ito ang unang beses na napansin si Joshua ng isang international personality. Inamin ng Filipino-American singer na si Bella Poarch na may paghanga siya kay Joshua na positibo namang tinugunan ng 24-year-old ABS-CBN personality. Bunyag ng aktor, may paghanga rin siya kay Bella dahil sa angking ganda nito at husay sa pagkanta.
Habang isinusulat ang istoryang ito, nakatanggap na ang video ni Joshua ng 3.6 million likes, 67,000 comments, at 20.4 million views.
Simula nang gumawa ng account si Joshua sa TikTok noong Disyembre 2021, lahat ng videos niya ay umabot na sa milyon ang views, kung saan halos 10 milyon ang pinakamababa at 138 million ang pinakamabenta.
Panoorin ang trending video na ito ni Joshua sa kanta ni Nicki:
@iam.joshuagarcia Ito na pauwi na 🙂 #fyp #foryoupage ♬ super freaky girl x luxurious – xxtristanxo