Natatandaan mo pa ba noong ang panonood ng mga nirentahang bala ang pinakalibangan ninyong pamilya? Kapag walang pasok sa paaralan o trabaho, pumupunta rin ba kayo sa Video City para gamitin ang inyong Video City Membership Card at mamili ng mga gusto ninyong pelikula?
Dahil wala pang Netflix, iflix, HOOQ, at iba pang streaming sites at apps dati, usong-uso sa mga Pilipino ang pagrerenta ng tape at CD ng mga pelikula.
Iba-iba ang dahilan ng mga nagrerenta; may mga hindi naabutan ang pelikula sa sinehan, may mga hindi kayang manood ng sine, may mga gustong ulitin ang napanood, at iba pa. At malaking bagay para sa kanilang mga tumatangkilik ng video rental shops ang membership card na mayroon sila kaya naman hindi ito nawawala noon sa kanilang pitaka.
Kumbaga, kung ngayon ay kailangan ng subscription para makapanood sa streaming sites at apps, noon naman ay ayos na basta may membership card sila. Dahil dito, naging memorable ang maliit na bagay na ito para sa mga Pinoy noon. Ang iba, hanggang ngayon ay hawak pa rin ang card na ito.
Sa Facebook page na Kami ang Batang 90s, bumalik sa nakaraan ang marami matapos nilang makita ang litrato ng Video City Membership Card na noon ay nagbigay sa kanila ng pagkakataong mag-enjoy sa mga pelikulang gusto nila kahit na wala na ito sa mga sinehan.
“Nakatabi pa ‘yong membership card ko,” kumento ng Facebook user na si C. Villanueva.
“Dati akong member diyan noon, usong-uso pa,” kuwento ni E. Delacruz.
“Sayang,” sabi J. C. Fernando. “Tayo lang din pumatay sa business nila, e. Katuwa lang din kasi iyong mga promo nila na 4 or 5 + 1 tapos may top rentals na naka-paskil. Hehe! Tapos ‘yong amoy ng panlinis nila ng CD. Haha! Saka parang mas enjoy manood diyan, unlike ngayon sa Netflix na sa sobrang dami ay hindi mo na alam ang uunahin. Haha! Nakaka-miss!”
Ngunit napag-iwanan man ng panahon, hindi maalis sa mga Pinoy kung paano sila pinasaya ng bonding moments nila noon mula sa paggamit ng Video City Membership Card hanggang sa mismong panonood.