Isang dayuhang traveller ang patuloy na umaani ng papuri at mabubuting salita dahil sa patuloy niyang pagmamalasakit at pagmamahal sa ilan nating kababayan sa Cebu.
Si Dustin Borglin na may YouTube channel na Dustin Backpacks ay buong pusong tumutulong sa mga pamilya sa isang probinsiya sa Cebu sa pamamagitan ng pagpapagawa ng mga banyo dito at pagrerepair at pagpapagawa ng mga tahanan ng mga tagaroon, lalo na matapos manalasa ng bagyong Odette ilang buwan na ang nakalilipas.
Na-stranded si Dustin sa Toledo, Cebu City nang magkapandemya. Hindi naman niya ito labis na ikinalungkot dahil nagustuhan niya umano ang ‘warm hospitality’ ng mga Pilipino. Ibinahagi rin niya na nagustuhan niya ang tahimik at simpleng pamumuhay sa probinsiya.
Kung mayroon man siyang hindi naibigan doon, ito ay ang kakulangan sa maayos na kasilyas o kubeta!
Ibinahagi niya noong Pebrero sa Kapuso show na The Atom Araullo Specials ang kanyang karanasan at kuwento.
Aniya, “Just being there and being invited to people’s home to eat, and then I had to go use a toilet, and then it’s like, where are your comfort rooms? They didn’t have one.”
CR Project
Dahil sa ganoong pangyayari na wala siyang magamit na maayos na banyo ay nabuhay ang kanyang pagnanais na magka-passion project.
Sinimulan niyang magpatayo ng mga comfort rooms o banyo para sa ilan munang pamilya. Nagsimula sa isang maliit na banyo, pagdating ng Disyembre 2021 ay nakapagpagawa na siya ng 23 kasilyas sa isang barangay.
Ilan sa mga naging CR poject niya ang nai-feature na niya sa kanyang channel sa YouTube. Nagpagawa siya ng banyo para sa pamilya ng isang kabataang nagngangalang Angie. Ayon kay Dustin, umabot ng P40,261 bago nakumpleto ang banyo.
Sa niyang vlog ay sinabi niyang “Today we finish Angie’s CR project and get food and drinks to celebrate. This video we show the process of building a CR ( toilet ) in a rocky area.”
Pagbibigay tulong sa nangangailangan
Bukod sa mga banyo, nakatanggap ng iba pang tulong ang mga pamilya sa barangay na iyon.
Mayroon na siyang pamilya na binilhan ng rfrigerator at tinulungan pa niyang magpasimula ng barbecue business.
May dalawang babae na rin siyang tinulungan na maipaayos ang kanilang bahay. Ipinaremodel niya ang bahay, kinabitan ng mga bagong yero, plywood na walling at pinturado pa.
Sa ilang pamilya na walang kuryente ay nagpakabit siya ng solar panels na umabot ng humigit-kumulang P30,000.
Hindi na mabibilang ang tulong na ipinagkaloob niya sa maraming pamilya sa Cebu. Ang kinikita niya sa kanyang YouTube channel ay itinutulong niya upang mapabuti ang buhay ng mga tagaroon na napamahal na sa kanya.
Dahil sa kanyang kabutihan, hindi na nakapagtataka na nakuha rin niya ang suporta ng marami nating kababayan.
Kung nais mong magbahagi ng tulong sa kanyang mga project, malaking bagay ang pagsuporta sa kanyang channel.
Panoorin:
Samantala, patuloy na bumibiyahe si Dustin sa iba ibang lugar at minsan ay kasama pa ang kanyang ama.